Halaw sa totoong kwentong-buhay
ng isang may problema sa pagiisi na nagngangalang Ito. Kwento ng isang taong
nawalan ng kanyang pinakamamahal na anak dahil sa martial law. Patuloy siyang lumalaban
upang makamit ang hustisyang ninanais.
“Pangalan?”
ni
Jerome Gabutero Gacu
Umaga na naman. Kailangan kong
makahanap ng maraming maraming tao sa araw na ito. Pero, teka lang! Nagugutom
na ako. Ipapambili ko na lang ng pagkain ‘tong natitirang tatlong piso sa
karinderyang iyon.
“Ate pakain nga po.” sabi ko sa ateng
nagbabantay sa karinderya.
“Ano ang ulam?”
“Ito po.” sabay turo sa giniling.
“Bayad?”
Kinuha ko sa bulsa ang kaunting barya
sabay abot sa tindera.
“Hala! Kulang ang pera mo! Hindi ‘to
pwede! Umalis ka nga rito! Ang baho baho at ang dungis dungis mo! Mawawalan pa
kami ng kostumer sa’yo eh. Umalis ka dito!”
Hay! Ang sungit naman nong ate kanina.
Parang hindi tao ang kausap. Pero gutom na gutom na talaga ako eh. ‘Di bale na.
Maghahanap na lang nga ako ng malilistang pangalan.
Lumapit ako sa lalaking matangkad na
may kasamang magandang babae, “Kuya? Pangalan mo po?”
“Deter! Deter Fontamillas!”
Tumungo naman ako sa kasama niya,
“Ikaw ate? Pangalan mo?”
“Samantha!”
Apelyido?
“Dela Vega!”
“Salamat po.”
Okey na ‘tong panimula na dalawang
pangalan para sa araw na ito. Marami-rami dapat makalap ko.
Sabi raw nila, baliw raw ako. Eh mga
tanga pala sila eh! Sila nga itong hindi ko maintindihan. Sino kaya sa amin ang
baliw? Hayy… tao talaga oh.
Ui hala! Maghanap na kaya ako ng
panulat? Mukhang hindi ko na makita ang mga sinusulat ko ah. Mamaya nalang.
Nagugutom na ako eh. Mag papahinga nalang muna ako. Teka, teka. Doon! Doon sa
tindahang iyon. Bibili muna ako ng kendi pampalipas ng gutom.
“Pabili nga ng kendi ate. Maxx ho. Eto
pong tatlong piso. Salamat po.”
Aba! May TV rin pala rito! Makikinood
na lang din muna ako. Masyado pang mainit ang sikat ng araw eh.
SONA na ng bagong pangulo. Ang dami
kong katanungan sa bagong halal na pinuno ng bansa. Anu-ano kaya plano niya sa
bansa? Ano kaya mga pangako niya? Magiging maayos ba siyang pangulo? Siguro
mangangako siya at muling mapapako? Sana maging mabuti siyang pangulo. Dapat
hindi siya maging katulad ni Marcos. Ewan ko ba’t ganoon nalang ang laki ng
galit ko sa tuwing naririnig ko ang pangalan na iyon? Bakit ganoon na lama gang
aking reaksyon na dahilan kung bakit ako pinagtatawanan at kinukutya ng mga
tao.
Agad akong lumisan sa tindahang iyon.
Hindi ko naman kasi maintindihan ang sinasabi niya. Aba! May magbabarkada doon
sa kanto ah. Mapuntahan nga at matanong na lang din pangalan nila.
“Pangalan niyo?”
“Ako si Schwarzenegger! Hahahahahaha”
Sumunod yung barkada niya, “Ikaw?”
“Marcos!”
Biglang kumulo ang dugo ko sa narinig,
“Loko ka ah! Ano ba?”
“Marcos nga! Hahahahahaha”
“Marcos? Yung SHIPS sa ingles?
Hahahaha” Dagdag ng kasama niya.
“P*tang ina niyo ah!”
“Ferdinand Marcos nga! Hahahaha!” kita
mo sa mukha nila ang pang-aarasar nila.
Bigla akong napasigaw sag alit, “P*ta
ka! Wala kang kwenta!”
“Marcos! Marcos! Marcos pa there!
Marcos pa more! Marcos for fun! Hahahahaha” sabay takbo ng mga hayop!
P*tang ina niyo! Mga gag*! Mawala na
kayo sa mundo! Bwiset! Tinatanong ng mabuti eh! Malilintikan kayo sakin! Put*!
Lokong mga tao ‘yon ah! Ay naku!
Lintik talaga sila. Nakakawalang gana ah. Makapunta nga sa parke. Baka madami
akong malista doong pangalan. Madami pang naglalaro na mga bata at maaliw pa
ako.
Andaming bata ngayon ah. Naupo muna
ako nang makapagmasid-masid. Matagal tagal na rin ‘yung huling punta ko rito.
Naalala ko noong nandito ako kasama ang pamilya ko. ‘Yung kasama ko ang anak
kong si Miko. Habulan doon, habulan dito. Masaya kaming naglalaro ng taguan
nang madulas siya at muntik na mabagok ang ulo. Grabe ang pag-alala ko sa kanya
noon. May nakaaway rin akong magulang dahil napaaway ang anak ko sa isang bata.
Pasaway kasi ng anak ko eh. Batuhin ba naman ng bulate yung batang babae?
Teka lang, bakit parang may tumutulo?
May tumulo galing sa ’king mata. Bakit ganito? Bakit sobrang naalala ko ang
batang iyon? Naku! Kumukulog! Piglang pumatak ang malalaking butil ng ulan.
Pati ba naman ang langit ay nakikiramdam sakin? Tila natigil na lamang ang isip
ko at bigla na lang may nahuhulog sa ‘king mga mata habang iniisip ko si Miko.
Ganoon talaga siguro na sa kabila ng kasiyahan ng mga bata naglalaro kanina sa
parke, bigla na lang magsisipaglaglagan at magsisipagpatak ang tubig sa langit
na para bang nalulungkot. Siguro nga ganoon lang kadali ang kunin ang saya na
nararamdaman mo sa mga taong mahal mo. Siguro ganoon na lang kadali pawiin ng
ulan ang saya ng mga batang naglalaro. Pero ba’t masakit—sobrang sakit ng
mawalan ng isang bata na dahilan ng pagngiti ko sa araw-araw?
Ano ba ito? Bakit nagmistulang gripo
ang aking mga mata sa dami ng pagagos ng luha. Bakit tila ba akong nahuhulog sa
isang malalim na bangin na walang katapusan at walang maayos na dahilan? Buti
pa si Rizal, naging pambansang bayani dahil sa kanyang pagtatanggol sa bayan.
Sa simpleng pagsulat niya at pakikipagkomunikasyon sa mga banyaga ay
napagtanggol niya ang ating bayan. Sa sobrang kadakilaan niya, ayan, nakatayo siya
at nagkaroon ng rebulto dito sa parke. Nagpapakabayani siya sa lakas ng ulan.
Mabuti nga inisip niya ang kapakanan ng nakararami kesa sa pansarili niyang
kagustuhan. Kung mahalintulad lang sana sa kanya ang mga lider ng bansa, eh di
sana maayos na ang daloy ng panahon. Hindi tulad ni Marcos na pansarili
kapakanan lang ang iniisip. Pagiging presidente? Yun ba ang gusto niya?
Pagiging lider ba o pera ang gusto niya? Sa sobrang takaw niya at ng kanyang
asawa sa pera ay handa na silang mangitil at mangontrol ng buhay. Bakit may mga
ganyang tao?
Lumahok kami sa rally noon.
“Makibaka! Ipaglaban! Karapatan! ng
mamamayan! Ipaglaban!”
“Makibaka! Ipaglaban! Karapatan! ng
mamamayan! Ipaglaban!”
Lumingon ako kay Miko, “Anak, Miko,
wag kang lalayo sa tabi ko ha?”
“Opo. Itay.”
“Makibaka! Ipaglaban! Karapatan! ng
mamamayan! Ipaglaban!”
“Teka lang po mga kababayan, teka lang
po. Kami po ay sumusunod lang sa nakakataas. Maging kami po ay ayaw naming ng
patakarang ito. Kung hindi po kayo aalis ay mapipilitan po kaming paalisin kayo
at buhusan kayo ng tubig.” mahinahong sabi ng isang pulis.
“Wala! Walang aalis!” sigaw ng isang
aktibista.
“Makibaka! Ipaglaban! Karapatan!”
sagot naman ng karamihan.
“Ser, kung hindi po kayo aalis ay
mapipilitan po talaga kami. Masasaktan lang po kayong lahat rito.” biglang
tumaas ang boses ng hepe.
“Magkamatayan na!” sigaw ng isang
lalaking dalang banner.
“Walang aalis sa’min!” sagot naman ng
isa.
Napakaraming sumali sa rally noon.
Bigla akong nag-alala, “Anak? Saan kana? Anak? Miko? Miko? Saan ka na?”
Walang nagawa ang hepe, “Sige na mga
bata, ilabas na ang truck ng tubig.”
Bumuhos ang napakalakas na tubig nang
biglang mawala sa tabi ko ang anak ko, “Anak? Miko! Nasaan ka?”
Patuloy pa ring sumisigaw ang mga tao,
“Makibaka! Ipaglaban! Karapatan! Ng mamamayan! Ipaglaban!”
Bumuhos ng tubig habang naririnig ko
ang tunog ng pagbasag ng bote, putukan ng baril at pagsabog ng granada.
Alalang-alala, patuloy kong hinanap ang anak ko
“Miko! Miko! Nasaan ka anak? Miko!
Miko.”
Biglang pumutok ng baril kasabay ng
sigaw ng isang maliit na bata.
“Itay…”
“Miko! Miko! Anak ko…”
Iyon na siguro yung huling oras na
nakapiling ko yung anak ko. Nasaan na ka na kaya Miko? Hayaan mo anak,
ipaglalaban kita. Makakamit rin natin ang hustisya anak. Sana maluwalhati at
masaya ka kung nasaan ka man. Malapit ko nang makamit ang katarungan sa iyong
pagkawala. Sa pamamagitan ng mga taong ito na nakasulat sa papel na ito,
siguradong makakamit natin ang hustisya. Mapapakulong natin si Marcos. Babagsak
siya sa kanyang mga karumaldumal na kasamaang ginawa. Ililista ko ang lahat ng
tao dito upang mapatalsik natin si Marcos. Anak, maghintay ka lang. Nar’yan na
ang hustisya anak.
Oras na. Oras na para mangalap ng
madaming pangalan. Tumila na rin ang ulan. Dapat ko nang simulan para hindi ako
magabihan mamaya.
“Ikaw, anong pangalan mo?”
No comments:
Post a Comment